|
Ambisyon ni Miguel (Yul Servo) ang maging isang pintor na tulad ng kanyang amang si Pablo
(Ronnie Lazaro).
Mula probinsiya, bumalik siya sa Maynila upang makapiling ang ama, bagama't di niya ito dinatnan; lumayo ito upang makalimot sa mga dagok ng buhay na binabata nito. Nakakakita ng trabaho bilang pintor ng bahay si Miguel. Isang araw, dumating sa bahay nila si Stella, isang modelong dapat ay ipinta ng kanyang ama. Nagpanggap si Miguel na siya ang pintor upang mapalapit lamang sa kabigha-bighaning si Stella. Di naglaon, pagkatapos ng ilang sesyon ng "pagpipinta" ni Miguel sa naghuhubad na modelo, nagkaniig nga sila. Ipinapinta ni Miguel sa isang totoong pintor ang larawan ni Stella at ito ang ipinakita niya sa dalaga. Ngunit isang araw, natuklasan ni Stella na hindi tunay na pintor si Miguel. Nagkasira ang magkaniig—bagay na hindi matitiis ni Miguel, ngunit huli na kaya ang lahat?
Katulad ng karamihang mga "art films" o mga pelikulang ginagawa sa ngalan ng sining, may
pagka-"experimental" ang Ilusyon. May magandang istoryang naisalarawan nang mahusay; pinag-aralang mabuti ang mga anggulo ng kamera kung kayat kahit na ang mga eksena
ng pagniniig ni Miguel at Stella ay napalabas na maayos. May pagkamabagal at nakakainip, lalo na sa simula, ang kuwento, ngunit maaaring sinadya ito upang ipakita ang
takbo ng isipan ng mga tauhan sa kuwento, o ang kabagot-bagot na pamumuhay ng pangunahing tauhan, si Miguel.
Napalutang din ng ganitong istilo ng kamera ang kabigha-bighaning ganda ng pangunahing artistang babae, si Stella (Jaycee Parker). Para sa kani-kaniyang mga papel, sapat na ang pagganap ng iilang artista sa
Ilusyon.
Hindi pangunahing pakay ng mga naturang "art films" ang magbigay ng aral sa mga
nanonood. Nais lamang ng mga ito na magsalarawan ng katotohanan, ng mga tunay na pangyayari sa buhay, at sa paggawa nito, ang maipakita ang pananaw ng pelikula sa mga
pangyayari o katotohanang naturan.
Magkagayon man, nasa manonood na ang paglilimi sa halaga ng pelikula. Ang manonood na ang bahalang maghanap ng mensahe ng isang "art film" at ang maghusga ng kabuluhan nito sa buhay ng tao. Sa ganang CINEMA, ang dapat usisain ng tao sa
Ilusyon ay ang katuturan ng ambisyon. Ano ang tama at mali dito?
Tumpak bang magsinungaling upang makuha lamang ang ating pinagnanasaan, upang "matupad" lamang ang ating ambisyon kahit sa ating daigdig ng mga ilusyon? Ano mang itinatag sa ilusyon—buhay man o pag-ibig—ay naglalahong parang bula at nag-iiwang ng malalim na pilat sa kaluluwa. Kung hindi natin susuriin ang ating mga ilusyon, magiging alipin tayo ng mga ito. Ang pagiging alipin ay hindi naaayon sa kagustuhan ng Diyos para sa tao.
(Date Reviewed: 21 October 2005)
|