|
Si Jandra (Jolina Magdangal) ay isang manunulat ng librong Lovestruck na nagbibigay ng payo
sa mga teenager ukol sa pag-ibig bata, romansang pang-teenager at iba pa. May lihim na pagtingin si Caloy (Mark Herras) sa kababatang si Denise
(Jennylyn Mercado) na may gusto naman sa balikbayang si Jason (Mike Tan). Samantala, ang matalik na kaibigan ni Denise na si Cholo (Rainer Castillo), isang homosekswal,
ay may gusto naman sa kaibigan ni Jason na si Lloyd (Kirby de Jesus).
Ginagamit niya ang kanyang kababatang si Jojo (Yasmien Kurdi) upang magpanggap na lalaki at malapit kay Lloyd hanggang matuklasan niyang si Jojo pala ang mahal niya. Upang makuha ang atensyon na kani-kanilang pinagkakagustuhan, gagamitin nina Denise at Cholo ang mga payo ni Jandra sa kanyang libro.
Masasabing walang gaanong hirap ang ibinuhos sa aspetong sining: malabnaw ang kwento at
napakababaw ng ibinabahaging pag-unawa ng director. Nakakatawang nakakainis ang pagganap ng mga teenager na bida, kung hindi OA tulad nina Mercado at
Castillo, walang kabuhay-buhay naman tulad nina Tan at Kurdi.
Lunod na lunod ang mga baguhang ito kapag sinabayan ng mga beteranong sina Gina Alajar at lorna Tolentino sa eksena. May magandang konsepto sana sa paglalagay sa tauhan ni Jandra bilang love guru na pasulpot-sulpot na nagbibigay payo subalit tila nalito ang mga manunulat kung alin ang gagawing pangunahing magbubuklod sa kwento – kung si Jandra na tila may omnipotent presence sa
istorya o ang kwento nina Denise at Caloy o gagawin na lamang tagpi-tagping eksenang pampakilig.
Maganda ang pagsasabuhay ng mga kasabihan o mga gawain upang mapalapit ka sa taong nagugustuhan mo subalit hindi ito tuluyang natuhog. Maayos sana ang teknikal na aspeto subalit hindi ito sapat maging maganda ang pelikula sa kabuuan. Hindi mo kailangang panuorin ng buo ang pelikula upang makuha ang istorya.
Totoo na ang pagtuklas sa pagmamahal at pag-ibig sa unang pagkakataon ay marahil isa sa pinaka
hindi malilimutang yugto ng buhay ng tao, subalit sadyang hindi makatotohanan ang pagsasalarawan nito sa pelikula.
Napakababaw at nakatuon lamang sa pagpapakilig ng mga manunuod ang daloy ng kwento. Nasobrahan din ang pagpapanggap sa tauhan ni Denise na magmumukhang katawa-tawa mapansin lamang. Hindi nito binigyan diin ang mas mahalagang gampanin ng teenage romance, tulad
ng pagpapalalim ng pagkaka-ibigan, pagtuklas sa pagbibigayan, pagbitaw sa sarili, at pagtuklas na ang relasyon ay unang hakbang sa mga aral, pag-unawa at mga pagpapahalaga na
magiging sandigan ng matagalang relasyon.
Napakadaling bitiwan ang salitang I love you, lalo na ng mga kabataan ngayon, pero ilan ba ang nakakaalam ng kakambal nitong gampanin. Bagama't walang malaswa o marahas sa pelikula, wala ring ganong aral itong maiaambag lalo sa mga manunuod.
(Date Reviewed: 16 September 2005)
|