|
Si Kyun-woo (Tae-hyun Cha) ay isang estudyante ng kolehiyo na hindi pa alam kung anong direksyon
ng buhay ang tatahakin. Isang gabi, habang siya ay pauwi, nakita niya ang isang napakagandang dalaga (Ji-hyun Jun). Subalit, isang malaking turn-off sa kanya na lasing na
lasing ang babae. Sa kasamaang palad, siya ang huling taong kinausap ng babae bago ito himatayin kaya't inakala ng lahat na siya ang nobyo nito at pinilit siyang asikasuhin
ang babae. Dinala ni Kyun-woo sa isang motel ang dalaga dahil hindi nito alam ang tirahan nito. At dito nagkasunod-sunod ang mga katatawang karanasan sa kanya dahil sa
mga kahibangan ng babae na madalas naghahatid sa kanyang ng kamalasan. Subalit, tila naman yata lalo silang pinag-aadyang magkasama hanggang mapalapit siya dito at maunawaan
ang lalim ng sugat na pinaghihilom at ang tunay na malasakit at damdamin nito para sa kanya.
Bagama't gasgas na ang piniling kwento ng pelikula, maganda ang pagkakadirehe at nabigyan ito ng
sariwang pagtalakay. Maganda ang pagkakabuo ng script sapagkat may kagat ang mga punchlines at katatawanan. Kung susuriing mabuti, may lalim ang tila madilim na karakter ng babae sapagkat sa kabila nito ay naroon ang malasakit sa mga bagay at pag-uunawa sa pagmamahal. Mainam din ang pagpili sa musika na lalong nakadagdag ng kiliti sa mga eksena. Isang agaw pansin ay ang mga kulay ng mga kuha. Matitingkad at masigla ang mga kulay na tila mga pahina sa komiks. Binibigyang-diin nito ang karikaturang aspeto ng pelikula na nagpapaliwanag ng mga kakatwang ng mga tauhan at ang tila bagang di makatotohanang daloy. Natural din ang pag-arte ng mga tauhan kaya't madali silang makagaanan ng loob. Isang magandang punto ay ang magaang daloy ng kwento na sadyang hihimok sa manunuod na makisimpatya sa mga tauhan. Sa ganang ito, ang drama sa huli ay nagkakaroon ng igting dahil nagiging makatotohanan ang kwento para sa manunuod.
Sa kabuuan, wholesome ang pagkakasalaysay ng kwento tungkol sa dalawang taong nagkakilala, naging magkaibigan at nagmahalan. Mainam na wala ang laging kakambal sa pagtatalik bago ang kasal at naka sentro lamang ito sa pagdiskubre ng natatanging katauhan ng bawat isa. Maganda rin ang paglalahad sa pag-ibig na maunawain at mapagbigay at lalo ang pag-ibig na matiyaga taliwas sa kadalasan larawan ng pag-ibig lalo sa mga kabataan na sadyang mababaw at mapusok. Isang di makakalimutang eksena ay ang talumpati ng babae nang kausapin nya ang nagwawalang sundalo ukol sa pag-ibig. Aniya, ang tunay na pag-ibig ay mapagparaya at hindi makasarili kahit ang katumbas nito ay ang labis na pagsakit ng kalooban. Gayunman, may ilang eksena na kailangang ipaliwanag ng mga magulang sa batang manunuod. Una, ang laging paginom ng labis hanggang halos mawalan na ng katinuan. Ang problema o sakit ay hindi nasusulusyunan ng alak. Pangalawa ang mga pahapyaw na pagtukoy sa abortion
at pre-marital sex na dahil biro at nakakatawa ay baka magbunga ng maling pag-aakala ang mga kabataan ukol dito.
(Date Reviewed: 28 October 2005)
|