|
Isang masayang pamilya ang matatandang dalagang magkapatid na sina Lydia (Gloria Diaz) at Trining
(Hilda Koronel) at ang kanilang tatlong ampon na sina Ito (Diether Ocampo), Pilar (Claudine Baretto) at Joven (Jericho Rosales). Nagulo ang samahang ito nang magpaalam na
magpapakasal sina Pilar at Joven sa isa't isa. Bagama't sa una ay tutol, pumayag na rin ang ina-inahan nilang si Lydia subalit si Ito na may lihim na pagtingin kay Pilar ay
naghimagsik. Pinagsamantalahan niya si Pilar at itinulak sa bangin si Joven. Dahil sa takot, sa pag-aakalang patay na si Joven at sa pagtatanggol ng sarili laban kay
Ito, itinulak naman ni Pilar sa bangin si Ito. Walang nagsumbong sa may kapangyarihan ukol sa mga naganap na trahedya.
Maayos kapwa ang teknikal at artistikong aspeto ng pelikula. Nangingibabaw ang malikhain
sinematograpiya at disenyo ng produksyon. Maganda ang tema ng pelikula at maayos itong naisalaysay. Maganda rin ang pagkakaganap nina Hilda Koronel, Gloria Diaz at
Claudine Baretto, bagama't sa limang artista, si Diaz lamang ang tila nahihirapang umiyak sa harap ng kamera. Pasado na rin pagkat dibdiban ang pag-arte nina Jericho Rosales at
Diether Ocampo. Medyo OA naman ang pagkakalapat ng musika.
Apat na usapin ang maaaring ipasok.. Una, ang isang mali ay hindi dapat itago at isiping maglalaho
na lamang ang epekto nito sa pagtakbo ng panahon. Sa pag-ikot ng kwento, ang mga kamalian ay hindi lamang itinago sa may kapangyarihan kungdi hindi rin sinikap na ituwid at
ihingi ng kapatawaran. Ang Kristyanong pananaw ay umiikot sa kakayahan ng isang tao na magpakumbaba sa pagsisisi o kaya'y magpatawad sa pagnanais na lumagay sa tuwid at
tama. Ikalawa, ang pag-ampon at pagpapalaki ng isang batang hindi mo kadugo ay dapat nakaugat sa tunay pagbibigay at pagmamahal, hindi upang punuan ang kakulangan sa pagkatao
ng nag-aampon. Ikatlo, ang mga hinanakit ay hindi dapat kinikimkim sa kalooban ng isang tao, pagka't lalabas at lalabas din ito sa mga paguusali at paraang higit na
makasasakit sa sarili at kapwa. Ikaapat, ang kapanatagan ng loob ay makakamtam sa pagtanggap sa kagustuhan ng Diyos at pagsuko ng buhay sa kanya. Sa pagtanggap, pagpapatawad
at pag-asa na hindi magpapabaya ang Diyos matatagpuan ang katahimikan ng loob.
(Date Reviewed: 17 June 2005)
|