|
Masaya at mapagmahal ang pamilyang kinabibilangan ni Maximo Oliveros (Nathan Lopez). Kaya nga
lamang ay napapalibutan sila ng isang pamayanang sanay sa kasalatan, mga iligal na gawain at karahasan. Marahil, dahil isang bakla o homosekswal, siya ang tumatayong
ina-inahan ng pamilyang ulila sa ina. Mapaglingkod siya sa ama at mga kapatid at hindi niya kwinekwestyon ang mga iligal na gawain ng kanyang pamilya.
Hanggang iligtas siya ni Victor (JR Valentin), isang bagitong pulis, mula sa pambabastos ng mga kapit-bahay. Magiging matalik silang magkaibigan at unti-unting magigising ang damdamin ng binatilyo. Subalit isang krimen ang hahamon sa katapatan ni Maximo sa kanyang pamilya o sa itinatanging kaibigan
Kung ang batayan ay ang "mainstream film", masasabi kulang ang teknikal na aspeto ng
Pagdadalaga ni Maximo Oliveros dahil sa paggamit ng natural na ilaw at iisang kamera. May kadiliman ang mga eksena at may kagaspangan ang galaw ng kamera.
Subalit kung batayan ay ayon sa kategorya ng isang "independent film", mapalalagpas na ang mga kakulangang ito. Sa kabilang dako, hitik na hitik naman sa imahen at kahulugan ang bawat tagpo at usapan. Ang katangi-tangi ay kung paanong pinagyaman ang bawat katauhan. May lalim at katapatan ang pagbuo ng pagkatao mula sa amang ilegal ang hanap-buhay ngunit labis na mapagmahal sa mga anak, ang kuyang sumusuporta sa bunsong kapatid, ang bagitong pulis na namulat sa katotohanan ng karahasan at isang homosekswal na nakadarama ng paghanga sa isang itinatangi sa unang pagkakataon. Malumanay na haplos ang pagsunod ng manonood kay Maximo. Napakatapat ng pagsasalaysay na hindi maiiwasan na magpunyagi ang manonood sa huling eksena kung saan nalagpasan ni Maximo ang pagsubok.
Kung mayroon isang paglalarawan sa Pagdadalaga ni Maximo Oliveros, ito ay ang pagiging
tapat nito sa daloy ng buhay. Walang pagpapalabis sa magaganda o pagtatakip sa pangit. Kaya't yaong mga tunay na kabaitan at kagandahang-loob ay lutang-na lutang, tulad ng
malasakit ni Maximo sa kapitbahay na gusgusin, ng mahigpit na ugnayan ng mag-aama, pagdarasal bago kumain, ng pananatili ng dangal bilang alagad ng batas, ng pagpapahalaga sa
pagkakaibigan. Sa pelikula,binibigyan halaga ang ugnayan higit sa lahat – at kahit napapaligiran ng karahasan at katiwalian ang mga tauhan, mahaba pa rin ang mitsa ng kabutihan at
kagandahang asal. Dalawang bagay ang nakababagabag sa pelikula.
Una, ang walang kuwestiyong pagtanggap ng mga tauhan sa homosekswalidad. Ikalawa, ang konsepto na kailangang tapatan minsan ng karahasan (na nauuwi sa pagpatay) upang sugpuin ang kasamaan. Mainam nga lang na ang dulong bahagi ng pelikula ay pinabalintunaan ang dalawang ito. Una sa pagtangging saktan ni Victor nang mahuli si Bogs at ang nagpapahiwatig ng pagbabago ni Maximo. Sa huling tagpo, kapwa lumalim sa pagkakaibigan sina Maximo at Victor bagama't handa na silang umusad bilang higit nang "tuwid" na bahagi ng lipunan. Isang maganda at nakakaantig na pelikulang na nangangailangn ng masusing pag-unawa mula sa matalinong manonood.
(Date Reviewed: 02 December 2005)
|