|
Magkababata sina Palits (John Lloyd Cruz) at Marian (Bea Alonzo)—maliliit pa lamang sila ay magkalaro na sila. Sa
katunayan, iniligtas ng "tabatsoy" na batang si Marian ang "payatot" na batang si Palits mula sa pagkalunod. Naging sanhi ito ng nakalakihan nang katapatan ni Palits sa
dalagang si Marian. Sa isang banda naman, hindi malimutan ng dalaga ang karanasan niya nuong nasa grade school pa lamang siya at laging inaapi ng mga kaeskuwela, binabansagang "baboy" gawa ng kanyang katabaan. Si Lance, isang kaeskuwelang lalaki, ang dumamay sa kanya, itinaboy ang mga nananalbahe sa kanya, inalo-alo siya at binigyan ng kanyang suot na kuwintas na dog-tag. Binata't dalaga na nang magtagpo muli ang mga landas ni Marian at Lance (Sam Milby); nagkaibigan sila, bagay na titiisin ni Palits na may lihim na pagtingin kay Marian.
Isa na namang "kilig movie" ang Close to You; halos mapuno ang sinehan sa unang araw ng paglabas nito gawa ng
popularidad ng mga artista. Hindi gasinong malaking hamon sa kakayahan ng mga artista ang kuwento ng pelikula. Natural na natural ang pagkakaganap nila pagkat para
lamang silang gumaganap sa sarili nila--mababaw ang istorya at hindi humihinging maghayag ng malalim na damdamin.
Medyo gasgas na ang tema--pagpaparaya ng isang nagmamahal--at alam naman natin kung saan magtatapos ito. May nagsasabi pa ngang mga nanonood na ito'y parang gumaya lamang sa My Best Friend's Wedding. Bilang isang simpleng istoryang kinabibilangan ng mga simpleng tauhan, okey lang ang
Close To You, lalo na kung tagahanga ka ni Bea na siyang "darling" ng kamera sa pelikulang ito.
Ang maganda sa Close to You ay ang pagtalakay nito sa tema ng pagmamahalan. Masasabi na ring naihayag ng matalinong
dialogue ang tinutumbok na mensahe ng kuwento: na ang tunay na pagmamahal ay nagpaparaya at inuuna ang ikaliligaya ng minamahal. Pinapahalagahan din ng pelikula ang friendship o pagiging magkaibigan ng isang binata't isang dalagang sabay lumaking halos ay magkapatid. Bagama't mahirap paniwalaan na mayroon pang mga lalaking hindi magsasamantala sa pagiging malapit ng babae sa kanya, naisip nami'y sana nga mayroon pang ganoon, na hindi natutukso sapagkat ang unang isinasa-alang-alang ay ang halaga ng pagtitiwala sa kanya ng babae. Marahil ito'y karapat-dapat na pag-usapan ng mga magulang at mga anak, lalo na yaong mga nakikipagligawan na.
(Date Reviewed: 17 February 2006)
|