|
Magkasintahan ang mga estudyanteng sina Claire (Jennifer Lee) at Leo (Gabby Eigenman).
Mapusok, madalas silang magtalik at mahilig manood ng porno. Minsan naisipan ni Leo na kunan ng video ang akto nilang magkasintahan. Sa una ay ayaw ni Claire kaya't ginamit ni Leo si Miles (Avi), isang estudyanteng "pakawala"—una sa sarili at nang sumunod ay kay Claire, na unti-unting nagkakaroon ng interes sa relasyon sekswal sa kapwa babae. Kaya't nai-video rin ni Leo ang kanilang pagtatalik na magkasintahan at ang pagroromansa nina Claire at Miles. Nang minsang humiram ng porno DVD ang kaibigan ni Leo, nakita ng una ang isang walang tatak na CD na may nakasulat na For My Eyes Only.
Pinanood niya ito at kinuha nang lingid sa kaalaman ni Leo. At ipinagkalat pa. Lumabas sa publiko and DVD na nagdulot ng kahihiyan at pagkawasak ng mga buhay nina Leo,
Claire at Miles.
Ibinase ang Coed Scandal sa totoong
pangyayari.
Kung tutuusin, kayang ilahad sa loob ng 15 minuto ang kwento dahil sa nipis ng laman nito. Walang motibasyon o lalim ang mga tauhan o ang istorya. Pilit na pilit ang paglalagay ng simula at katapusan, gayung ang tunay na lumabas na sentro ng pelikula ay ang pagpapalit ng aktuwal na footages ng video sa
reenactment ng mga artista.
Nakakasuya ang pagganap ng mga artista, maging bida o extra. Napakagulo na ng sinematograpiya at editing, dagdag-panggulo pa ang nakakasawang paggamit ng gimmicks. Walang saysay ang pagpili ng mga lente o ang bigla-biglang pagpapalit ng anggulo at pagtalon-talon ng eksena na lalong nagpapahirap sa pagsunod sa magulo nang istorya. Marahil nais ng direktor na sumubok ng istilong avant garde, subalit hindi niya ito nakaya. Pagka't digital videography, hindi balanse ang lighting,
at walang buhay ang mga kuha. Wala ding plano ang screenplay; nakakabagot ang mga babad na eksena at paulit-ulit na dialogue. Ang buong pelikula ay mukhang isang school
project ng mga bagitong film-making students.
Hitik na hitik ang pelikula sa kalaswaan at masasamang bisyo: pre-marital sex, droga, pornograpiya, homosekswalidad, paglinlang ng
kaibigan, pagpapakamatay at prostitusyon.
Ang isyu dito ay hindi ang pagtatalik kundi ang pornograpiya—ang paglapastangan sa dignidad ng katawan ng tao. Ang lalong nakakabagabag ay pilit na ipinalulunok ng
Coed Scandal na "okey lang" ang lahat ng kasamaang inilalarawan nito:
ang katuwaang pagtatalik sa harap ng kamera, ang pagtataksil sa isang kaibigan sa pamamagitan ng pagkakalat ng pribadong video, ang pagkita ng pera mula sa pagbebenta ng iskandalosong video,
at patuloy na pagtangkilik sa ganitong uri ng libangan. Ang isa pang usaping dapat pagtuunang-pansin ay ang motibo ng mga prodyuser ng pelikula. Malinaw na umangkas lamang sila sa tunay na nangyaring pagkalat ng isang pornographic video na pinagpasapasahan sa cellphone.
Hindi man lamang pinaghirapang lagyan ng leksyon ang nangyari—walang tunay na pagbabagong-loob sa tatlong bida. Ibili nyo na lang ng taho ang ipapanood ninyong pera dito.
(Date Reviewed: 23 March 2006)
|