|
Magkakapatid sina Susan (Cherry Pie Picache), Lourdes (Angel Aquino) at Grace (Juliana Palermo),
mga anak ng biyudong si Mang Rudy (Johnny Delgado), isang manunukit (woodcarver) sa Pampanga. Sa tatlo, pinaka-mapag-aruga sa amang may sakit si Susan, isang tomboy,
nguni't pinakamalapit ang loob ng ama kay Lourdes na tinuturing niyang pinaka-maabilidad sa paghahanapbuhay. May pagka-rebelde at mapaghanap naman ng kalinga ang bunsong si
Grace pagkat dama niya'y pinapaboran ng ama ang dalawang kapatid niya lamang ngunit hindi siya. Mahigpit sa pagdidisiplina si Mang Rudy sa kanyang mga anak, at hindi
nag-aatubiling sampalin ang mga ito nang hantaran kung palagay niya'y wala sa lugar ang mga kilos nito. Makikita ang bunga ng kanyang paghihigpit nang sila'y malalaki na at
nagsipag-asawa na si Lourdes at si Grace; samantala, pinatira naman ni Susan ang kanyang babaeng si Weng (Criselda Volks) sa kanilang bahay upang makatulong niyang mag-alaga sa
ama. Hihigpit ang di pagkakasunduan ng mga magkakapatid hanggang sa mamatay ang kanilang ama.
Makatotohanan ang kuwento ng mag-aamang sama-samang naninirahan sa ilalim ng iisang bubong.
Lalo't higit sa script masasalamin ang iba't ibang pangyayari at mga damdaming iniluluwal ng mga ito sa pang-araw-araw na takbo ng buhay. Sapagka't ang isinasaad sa
malalim na dialogue ay mga karaniwang situwasyon o suliranin ng mga magpapamilya, madaling makaantig ng damdamin ng nanonood ang mga namumutawi sa bibig ng mga
tauhan. Napakagaling ng pagkakaganap at characterization ng mga pangunahing tauhan—lalo na nila Picache at Delgado—sa ilalim ng direksyon ni Brillante Mendoza
Pinag-isipan ding mabuti ang paglalahad ng iba't ibang aspeto ng buhay sa Pampanga, at binigyang halaga ang mga ito ng makinis na sinematograpiya, kung kaya't naisilid ang
istorya ng pamilya sa loob ng kultura ng kanilang inang lalawigan bagama't ang ubod nito'y ang buhay ng mag-aama.
Binibigyang-diin ng Kaleldo pagkabuo ng loob ng isang magulang sa pagdisiplina sa mga anak
at paghubog sa mga ito sa matuwid na landas. Ipinakikita ng pelikula na ang kalalabasan ng mga anak ay hindi lamang sa pagdidisiplina ng ama manggagaling kundi sa maraming
mga bagay na pinaghahabi-habi ng panahon. Ano mang sidhi ng pagnanasa ng magulang na maituwid ang anak, maaaring hindi pa rin niya matupad ang kanyang mithiin sapagkat ang
tao ay mayroong sariling pag-iisip at paninindigan na sa paglakad ng panahon ay siya nitong nagiging gabay na pangsarili. Sa kabila ng paghihigpit at pagmamahal ng magulang,
maaari paring madapa o mahulog ang anak sa masama. Ngunit sa kabila ng lahat, ang disiplina ay nagsisilbi pa ring punla na nag-uugat sa diwa ng isang anak na sa takdang
panahon ay nagbubunga ng kabutihan.
(Date Reviewed: 03 November 2006)
|