|
Kapwa may malalim na insecurities sina Sally Malasmas (Toni Gonzaga), isang kawani ng National Statistics Office, at si Will Derby (Sam Milby), isang Pinoy na inampon ng mag-asawang Amerikano at kasalukuyang Vice Council sa US Embassy ng Pilipinas – si Sally ay dahil sa higit na matagumpay ang kanyang nakatatandang kapatid na nasa Amerika na at si Will ay dahil sa kinikimkim na tampo sa kanyang tunay ng mga Pilipinong magulang. Magkakasalubong ang kanilang mga landas nang mag-aplay para sa US VISA si Sally upang maalagaan ang kanyang maysakit na ina at tanggihan naman siyang bigyan ni Will dahil hindi kumbinsido ito na hindi siya magti-TNT. Makakakita ng pagkakataon si Sally na gumanti kinabukasan nang si Will naman ang mangailangan ng tulong sa paghahanap ng kanyang orihinal na birth certificate. Subalit mapipilitang tulungan ni Sally si Will nang makita ng kanyang boss ang pagpahihirap niya sa binata. Tutulungan ni Sally na hanapin ang mga Pilipinong magulang ni Will at unti-unti silang magkakahulugan ng loob sa kabila ng malaking pagkakaiba ng pananaw sa buhay at sari-sariling inseguridad.
Tulad ng inaasahan, iisa pa rin ang takbo ng love story ng pelikulang Pilipino. Wala kang bagong aasahan at kayang-kaya na mahulaan ang mga susunod na mangyayari dahil gasgas na ang temang magkakakilala---magkakagalit---magkakagustuhan---maghihiwaly---magkakabalikan sa huli. Bagama't sinubukang lagyan ng sub-plot ang dalawang tauhan upang magkaroon ng lalim ang pagbuo sa kwento ay sadyang mababaw din ang pagkakahabi ng conflict at pagbuo sa pagkatao ng dalawang bida. Formula din ang pagpili ng mga eksena upang ipakita ang pagkakahulog ng dalawa sa isat isa at maraming pilit na pinahabang mga tagpo para sa ika-kikilig ng manunuod. Sa kabilang dako, magaan panoorin ang pelikula dahil malinis naman ang pagkakalahad, nasa ayos ang produksyon teknikal at nakatutuwa ang palitan ng diyalogo ng dalawang tauhan.
May isang magandang aral ang isinususog ng pelikula---ang pagpapahalaga sa pamilya. Bagama't
kapwa may hinaing sina Sally at Will sa kani-kanilang pamilya ay makikita pa rin kung gaano kahalaga ang ugnayan ng pamilya para sa kanila. Kahit may hinanakit sa
pagpapamigay sa kanya at takot sa hindi tanggapin ng kanyang tunay na pamilya si Will ay pinagbuhusan niya ng panahon na hanapin at makilala sila. Samantala, makikita rin sa
halos araw-araw na pakikipag-usap sa telepono at email ng pamilyang Malasmas kung gaano sila kalapit sa isa't isa. Ang pagpapahalaga sa pamilya ay isang tunay na ugaling
Pilipino at marahil isa sa pinakatotoong pagsasalarawang nagawa ng pelikula sa ating kultura. Sa kabila ng may mga kapangitang larawan ng Pinoy na ipinakita sa
pelikula---tulad ng talamakang pag-inon at pagsusugal, kawalan ng disiplina sa trapiko, atbp.---binigyan diin din naman ang pagsasakripisyo para sa anak, paggalang sa magulang at
ang walang kapantay na kasayahang naidudulot ng maigting na samahan sa loob ng tauhan.
(Date Reviewed: 01 September 2006)
|