|
Nagsasanay si King a.k.a Agent X43 (Vhong Navarro) upang maging isang ganap na agent detective katulad
ng kanyang Ninong na si Agent X44 (Tony Ferrer).
Kasabay ni King sa pagsasanay ang kanyang sidekick na si Junior a.k.a. Bro (Mura) at kaibigan na si Mary Grace a.k.a. Agent 609 (Mariel Rodriguez). Sa pagtatapos ng training ay itinalaga bilang mga ganap na agent ang mga kapwa nila trainees kabilang si Mary Grace maliban kina King at Junior na sa halip ay itinalaga bilang mga tagalinis o Janitor. Ikinalungkot ito ni King at ni Agent X44 dahil kapwa pala sila umaasa na magkakaroon ng bagong X44 sa katauhan ni King at makapagpahinga bilang senior citizen ang kanyang Ninong. Hanggang isang kaso ng nawawalang artifacts sa museo ang kailangan solusyunan na may kinalaman pala sa mga unang kaso na napagtagumpayan ni Agent X44 tatlong dekada na ang nakararaan. Naging hamon ito kay King upang maisalba ang naunsyami niyang career bilang agent, kaya ginawa niya ang lahat ng paraan sa tulong ni Junior upang maibigay sa kanya ang kaso. Naibigay naman ito sa kanya na kaakibat ang mga kondisyon kasama ang maayos na pagsasama nila sa trabaho ng kaibigan na si Mary Grace na nagbalik matapos ang ibayo pang pagsasanay sa ibang bansa. Magtagumpay naman kaya si King sa kasong ito at maging ganap na Agent X44?
Halata na pilit lang nilagyan ng istorya ang pelikula dahil mas nangibabaw ang mga agaw eksenang
patawa (pati eksaheradang pagbigkas ng mga wikang banyaga) at misteryosong labanan na wala namang saysay. Walang sentro ang kwento kaya hirap masundan ang daloy nito kahit
na ang karakter ni King ay nakakalito dahil sa tila likas niyang pagkakomedyante at kahit papaano ay nagging interesante ang pagbuhay sa katauhan ng maalamat na Agent X44 lalo na
ang aktuwal na pagganap ng unang binansagan nito tatlong dekada na ang nakararaan na si Tony Ferrer. Sa mga umaasa ng mga kamangha-manghang eksenang detektib at mga
kakaibang gatgets ay mabibigo sa pelikulang ito. Bagama't my effort na magpakita ng mga tagpo na may animated computer program parang wala naman itong dating at halos di napansin. Halos di naman makilala ang mga karakter dahil sa disenyo ng produksyon at nakakalitong dubbing. Hilaw ang musika at tunog na inilapat. Sa kabuuan ng aspetong teknikal ay walang masydong maihahain ng pelikula.
Hindi mailap ang tagumpay sa taong nagsisikap at may mithiin sa buhay.
Kahit papaano ay ipinakita ito ng pelikula sa kabila ng magulong takbo ng istorya. Naniniwala at naninindigan si King sa kanyang kakayahan bagama't gumamit siya ng pananakot bilang huwad na multo para makamit niya ang minimithing kaso upang mapatunayan na karapat-dapat siyang maging ganap na ahente ng imbestigasyon. Sa pag-ako naman ng responsibilidad ay kailangan bantayan ang kahinaan upang wag mahulog sa bitag katulad ng pagkabighani sa seksing babae. Maraming eksenang patawa ang pelikula na gumamit ng istilong pag-aalipusta at pagwawalang halaga sa kapwa lalo na sa babae. Sa kabuuan ay bitin ang paghahatid ng magandang aral sa manonood. Dapat ring maging maingat sa paggamit sa marangal na pangalan ng kilalang bayani na katulad ni Lapu-lapu at sa mga bagay na direktang iniuugnay sa kanya katulad ng kanyang tabak na naging subject ng obsession ng iba't ibang karakter sa pelikula! Dahil sa di umano ay mahiwagang kakayahan nito na makagawa ng langis at mapagyaman sa sinuman na magmamay-ari nito.
(Date Reviewed: 19 January 2007)
|