|
Bagama't "isang taxi driver lamang", mabait, magalang, at kapita-pitagan ang binatang si Junior
(Cesar Montano). Sa hangaring mapanatiling tapat at malinis ang kanyang pakikipag-ugnayan sa kanyang pinipintuho,
si (papel ni Sunshine Cruz), pinupunuan niya ang kanyang mga pangangailangang panglalaki sa pamamagitan ng paggamit sa babaeng bayaran. Nagkasundo ang magkatipan na maipakilala na si Junior sa kanyang magiging biyenang babae (Celia Rodriguez), kaya't humayo ang dalawa sa probinsya, sa kabila ng panganib na dulot ng kumakalat na balitang may gumagalang mamamatay-tao, isang serial killer na walang pakundangang pumapaslang sa sinumang humarang sa kanyang daan. Sa unang pagkikita pa lang ay hindi na nagustuhan ng kanyang magiging biyenan si Junior, bagay na itinuring lamang ng lahat na karaniwan sapagkat sadyang may kabastusan ang matandang babae, ngunit ipagpipilitan pa nitong makipagkalas ang anak sa nobyo. Dito magsisimula ang mga pagsubok ni Junior; samantala, tila nakarating na rin sa ilang na lugar nila ang kinatatakutang mamamatay-tao (Johnny Delgado).
Mahusay at makinis ang pagkakahabi ng mga pangyayari sa Ligalig. Kahindik-hindik ang
bawat eksena sapagkat walang
katiyakan ang kalalabasan ng bawat kilos, ng bawat salita, ng bawat pagpapasya. Higit pang ginawa itong makapigil-hininga ng lapat na tugtugin at akmang sinematograpiya. Masusing pinag-aralan ni Montano ang kanyang papel, at taos-pusong ginampanan ito; karapat-dapat lamang na tinapatan siya ng isang kapwa mahusay na artistang si Delgado Ang editing at pagkakatagni-tagni ng mga eksena ay maaaring magawa lamang ng mapaglikhang tambalan ng direktor at film editor, at ito ay ang tampok na galing ng
Ligalig. Hindi rin naman pahuhuli ang nilapat na script at ang pagganap ng iba pang mga pangunahing tauhan. Bagama't ang tema ng isang psychotic killer o isang taong pumapatay sapagkat nasiraan na ito ng bait ay hindi na bago sa larangan ng pelikula, kapuri-uri pa rin na nakagawa si Montano at ang kanyang mga kasama ng isang suspense thriller na ganitong kapulido.
Ang tema ng Ligalig
ay hindi pangmurang isipan; sa katunayan, kahit marahil mga magulang na ang pag-iisip ay maaari pa ring maligalig sa isinasaad nitong bahagi ng buhay. Labis na madugo ang pelikula---mauunawaan ito sapagka't kailangan nitong ipakita na kasula-sulasok ang walang saysay na pagpatay ng kapwa---ngunit bukod sa pagkakatuklas ng tunay na pagkatao ng serial killer, walang paninindigan ang pelikula sa kahihinatnan ng killer na ito. Kung wala nga sa lugar na makapagsisi ang isang nasiraan ng bait, ano ang dapat gawin ng lipunan, ng pulisya, ng pamahalaan, ng pamilya upang hindi na maulit ang ganitong kapahamakan? Iniiwan ng
Ligalig ang kasagutan sa sambayanang tumatangkilik sa pelikula---ngunit handa ba nitong harapin ang ganitong pananagutan?
(Date Reviewed: 04 January 2007)
|