|
Magkababata, magsing-irog at kapwa manggagawa sa hacienda ng mga de Vera sina Andrea (Angel
Locsin) at Daniel (Richard Guttierez).
Sa kabilang dako, may namumuong pagtingin naman ang magkapatid na de Vera na sina Anton (TJ Trinidad) at Monique (Rhian Denise Ramos) sa dalawang magkasintahan. Samantala, si Jason (Ryan Eigenmann), kuya ni Andrea, ay makakakita ng paraan upang makaangat sa buhay. Gamit ang dahas, mapaghihiwalay niya ang sina Andrea at Daniel hanggang lumayo ang binata upang mag-ipon ng pera at ang kanyang kapatid ay magpakasal naman kay Anton. Pagkatapos ng tatlong taon, magbabalik ang yumamang nang si Daniel upang magkasama na sila ni Andrea. Subalit mauudlot ito nang malaman ni Anton ang balakng kanyang asawa. Gagamitin naman itong paraan ni Monique upang makalimot si Daniel at mahulog ang loob nito sa kanya. Bilang paghihiganti, liligawan ni Daniel si Monique at aayaing pakasal na labis na dadamdamin ni Andrea.
Bukod sa napakahina ng mismong istorya ay halatang halaw lamang ito sa isang nakaraang pelikula,
Hihintayin Kita sa Langit, na ibinase sa klasikong nobelang Wuthering Heights. Sa kasamaang palad nga lamang ay isa itong malabnaw na pelikulang ang tanging hatid ay
pakiligin ang mga tagahanga ng tambalang Locsin at Gutierrez.
Walang saysay ang pagkakabuo sa mga katauhan ng mga karakter na lalong pinalala ng mga walang buhay na pagganap ng apat na pangunahin tauhan. Mabagal ang usad ng istorya na parang napakahabang MTV lamang. Bilang isang love story kulang sa kurot ang pelikula: hindi man lamang nito magawang magkasimpatiya ka sa pagkakahiwalay nina Andrea at Daniel. OA ang paglapat sa musika na nakakaagaw pansin sa halip na paigtingin ang damdamin ng eksena. Tanging ang mga masugid na tagahanga lamang ng mga artista ang hindi manghihinayang sa ibinayad sa sine.
Ang pag-ibig ay ang isa sa pinakamagandang dahilan kung bakit may damdamin ang tao. Ang
romantikong pag-ibig ay sandigan ng ugnayan, kasal at pamilya. At ang tunay at wagas na pag-ibig ay dapat lamang ipaglaban hanggang sa kanyang katuparan…subalit may mga
sukatang dapat isa-alang-alang. Unang-una, ipinaglalaban ang pag-ibig hanggang malaya pa ang bawat isa, at hindi porke't bumalik na ang dating kasintahan kaya't maari namang
talikuran ng kabila ang taong kanyang pinakasalan at pinakisamahan. Tila baga binibigyang katwiran si Andrea na magtaksil at makipaghiwalay sa asawa (na sinasabi namang niyang
naging mapagmahal at mabuti sa kanya) dahil biglang nagbalik si Daniel. Ikalawa, hindi batayan ang tagumpay o kayamanan upang maging karapat-dapat ang pagsasatupad ng relasyon.
Hindi ininda ni Daniel na ang kanyang pagkamkam ng yaman at tagumpay ay hindi lagi sa mabuting paraan. Ikatlo, ang pagpapakasal ay dapat nakabatay sa pag-ibig at pagkahandang maging tapat at mapagmahal ng magiging kabiyak. Kapwa taliwas ang dahilan nina Andrea at Daniel sa kanilang pagpayag at pag-ayang pakasalan sina Anton at Monique. Ang lahat nang ito ay tinabunan ng pinatamis na romantikong kwento ng tambalang Locsin at Gutierrez na maaring maghatid ng maling mensahe lalo sa mga kabataang manunuod.
(Date Reviewed: 16 February 2007)
|